Saturday, April 10, 2010

Refcake

Birthday ng pinsan ko kahapon, 4 na taong gulang na siya.  Ang kulit nga eh.  Marami siyang bisita kaya maraming bata dito.  Medyo naparami rin nakain ko kagabi.  Pero bukod sa pagkain at mga batang naghahabulan at halos matapakan ko na sa sobrang liliit at kukulit.  Meron din siyang mga regalo na malamang ilang araw lang sisirain nya na.  Napaisip tuloy ako ng mga regalong natanggap ko dati nung bata ako.  Sobrang tagal ko nag-isip.  Sa sobrang tagal, wala akong naalala.  Tapos naalala ko yung unang regalo mo saken.  Naalala mo pa ba yun?

Ubos na yun ngayon, pero di ko yun malilimutan.  Refcake yun, malamig, matamis, pinaghirapan, napaka-espesyal.  Naalala ko, ang laki ng ngiti ko nun.  Mahilig pa naman ako kumain.  At sobrang sarap talaga.  Kaya nga ata ako tumaba nung college. Haha.  Naisip ko kung pano mo yun ginawa.

2 is to 1.  Yun ata yung recipe mo.  Dalawang cream at isang condensed milk.  Tapos may mangga at siyempre graham crackers.  At ang pinakamahalaga sa lahat, dapat maganda ang lalagyan.  Haha.  Dapat pantay-pantay ang pagkakahilera ng crackers.  Kung may puwang man na dapat punan ng graham crackers at ng 2:1 recipe mo, dapat iruler muna bago hatiin ang crackers.  At kung kelangan gumamit ng lagare para pantay ang pagkakahati ng crackers, gagamit ka.  Perfectionist.  Isa yan sa mga katangian mo.  Isa yan sa mga minahal ko sa’yo.

Pagkatapos mo ulit-ulitin ang proseso ng paghihilera ng graham crackers at paglalagay ng 2:1 recipe mo. Darating na sa punto kung saan aayusin mo ng maayos na maayos, as in sobrang ayos, ang mga mangga.  Sa sobrang ayos, nakakahiyang kainin minsan.  Naalala ko pa, napaka-creative mo rin.  Minsan nilagyan mo ng crushed cookies, so parang cookies ‘n cream ang refcake.  Maraming beses na nag-doubt ako sa mga niluluto mo, ang dami mo kasi gustong ilagay, ihalo.  Pero sa huli, masarap pa rin.  Creative na, magaling pa magluto.  Ilan pa yan sa mga katangian mong minahal ko.

Nang ibigay mo saken yun, tuwang-tuwa ako.  Kain ako ng kain pero ayoko maubos.  Kaya lang, dahil ginawa yun para kainin at maubos, naubos ang refcake na niregalo mo saken.  Naubos nang di ko namamalayan.  At ngayon, mukhang di ko na matitikman yun uli.  Dahil, gaya ng refcake na binigay mo saken noon, mukhang naubos na rin ata pagmamahal mo saken.

Ang problema pa, di tulad ng refcake, di ako pwedeng pumunta lang sa grocery para bumili ng ingredients para gumawa ng pagmamahal mo.  Di tulad ng refcake, di ganun kadali na ihilera ng maayos ang mga bagay sa buhay upang walang makaligtaan at maiwasan ang mga pagkukulang.  Kung may pagkukulang man, di tulad ng refcake, di ako pwedeng pumutol ng kapirasong graham crackers at 2:1 recipe mo para punan ito.  Di tulad ng refcake, di pwedeng maglagay ng mangga sa buhay para lang tumamis ito.  Di tulad ng refcake, kahit magpaka-perfectionist ako o magpaka-creative di ako makakagawa ng pagmamahal na tulad ng binigay mo.

Sana di nauubos ang refcake o ang pagmamahal.  Sana lahat ng bagay nasa grocery lang.  Sana pwedeng gumawa lang ng pagmamahal ng paulit-ulit pag naubos, gaya ng refcake.  O kaya sana, may band-aid na pwedeng ilagay sa pusong nasugatan matapos maubos ang refcake o ang pagmamahal.

Kung meron mang pagkakapareho ang refcake at pagmamahal mo ngayon, siguro yun ay ang katotohanan na tulad ng refcake, malamig na rin ang pagmamahal mo.  Katulad ng refcake, ubos na rin siguro ang pagmamahal mo.  At ang tira na lang ay ang lalagyang walang laman. At masakit man aminin, mistulang wala na ring silbi.  Dahil kahit kelan anuman ang ilagay sa lalagyang walang laman, di nito mapupunan ang refcake na minsang pumuno at nagbigay ng kahalagahan.  Walang makakapantay sa pagmamahal na nagbigay ng tamis at saya sa buhay.

Binigyan mo ko ng napakagandang regalo.  At gaya ng refcake, habambuhay kong hahanap-hanapin ang pagmamahal mo. Ang matamis, pinaghirapan at napaka-espesyal na pagmamahal mo.

1 comment: