Saturday, April 17, 2010

Subersibong Puso, Utak na Uto-uto

Lahat ng bagay may lugar.  Ang isda, para languyin ang katubigan.  Ang ibon ay para liparin ang kalangitan.  At ang tao para manirahan sa kalupaan.  Subalit may mga pagkakataon, nkakalimot ang ilan.  Tulad na lang ng isang subersibong puso at utak na uto-uto.

Tulad ng lahat ng bagay, ang puso at utak ay may kanya-kanyang lugar.  Meron din silang kanya-kanyang layuning dapat gampanan.  Ito ang kwento ng isang puso at isang utak na nakalimot.

Ikaw utak, wag mong kalilimutan, kaya ka nilagay sa ulo, mas mataas sa dibdib kung nasaan si puso, ay upang ikaw ang masunod.  Ikaw ang mag-iisip ng kung anong tama at kung anong mali.  Ikaw ang magdedesisyon ng kung ano ang gagawin at kung alin ang dapat iwasan.  Ikaw ang nakakaalam kung nasasaktan na ba ang iyong nasasakupan, o kaya pang lumaban.  Huwag na huwag mo iyang kalilimutan.

Ikaw naman puso, ikaw ang magsisilbing konsensya ni utak.  Ikaw ang katuwang niya sa pag-iwas sa masasama.  Ikaw ang unang makakaramdam ng sakit o kasiyahan.  Ikaw ang magbibigay ng hudyat kung kaya mo pang lumaban.  Ikaw ang unang kawawa kapag hindi mo pinagbutihan.  Huwag na huwag mo rin iyang kalilimutan.

Ngunit anong nangyari?  Sa isang idlap gumuho ang lahat.  Nagpabaya kayo pareho.  Ikaw puso, masyado kang nagmayabang.  Akala mo siguro kaya mo na mag-isip para sa sarili mo.  Puwes, halata naman, isang malaking kabaluktutan iyan.  Nagpakalunod ka sa iyong naramdaman.  Para kang naadik sa isang tasang rugby nyan.  Ayan tuloy, nalulunod ka ngayon sa isang basong tubig matapos mong maligo sa sarili mong dugo.  Sa susunod, huwag magmamarunong, kaya nandyan si utak, para siya ang mag-isip.

Ikaw naman utak, bakit ka nagpa-uto kay puso.  Akala ko ba matalino ka?  Bobo ka rin pala.  Dapat nalaman mo na delikado na ang lagay mo.  Dapat di ka gumawa ng mga bagay na maaaring makasakit sa nasasakupan mo.  Di ko naman sinasabing pigilan mo si pusong magmahal, dapat lang di mo hinayaang siya ay masaktan.  Alam kong kaya mong mag-isip ng paraan para sana naiwasan ang lahat ng ito.  Para hindi dumating sa pag-iwan sa kaibigan mong si puso.  Ayan kasi, sobrang tiwala mo kay puso, eh alam mo naman, minsan ang mga puso, ilusyonado.

Sana natuto kayo pareho.  Alam kong iyang si puso ay, hanggang ngayon, umaasa pa rin.  Hindi ko rin naman siya masisisi.  Kaya, utak, dapat bantayan mo siya, mag-isip ka ng paraan para di siya gaanong mahirapan.  Kung mahihilom man ang sugat niya, di ko alam, pero sana.  Ikaw naman puso, alam kong hindi ikaw si utak, kaya di ko inaasahan na mag-isip ka.  Pero, maging totoo ka palagi, huwag masyadong ilusyonado.  Kung kelangan mo ng payo, nandyan naman si utak.  Pwede mo naman siya tanungin.  Huwag mo siyang babalewalain.  Lagi naman kayong magkasama.  Huwag mayabang, baka magdugo ka nanaman.  Masyado ka kasing pasaway. Di ka marunong sumunod kay utak.

Sana lang talaga natuto na kayo pareho.  Baka nakakalimutan niyo, damay ako.  Nasa loob ko kayo pareho.

No comments:

Post a Comment